Monday, November 14, 2005

ang aking first christmas tree

Nakakaaliw ang araw namin ni lei kahapon.
Matagal na naming balak umuwi sa kanila para linisin yung harapan ng bahay nila kasi tambak na ang mga dahong bumagsak at nagtutubuan na din ang mga damo.
Tumawag siya sa kanila ng sabado ng gabi para itanong kung aalis ba ang nanay at tatay niya kinabukasan.
Sabi ng tatay niya, sa bahay lang sila. Tapos nag-request na bilhan namin siya ng pansit pagpunta namin doon.
Naisip namin ni lei na mas murang magluto na lang ng pansit kaya napagdesisyunan namin na mamamalengke na lang kami ng sahog para sa pansit bago pumunta sa kanila.
Nabanggit pa ni lei na pwede naming ilabas na yung christmas tree nila at ayusin na, naikwento ko kasi sa kanya na di pa ako nakakapag-decorate ng chritmas tree sa tanang buhay ko.

Kinabukasan, syempre, tinanghali kami ng gising.
6:30, niyugyog n'ya ako tapos naghilik uli.
7:30, tara na... tanghali na, sabay hilik na naman.
9:00, hala! alas-nwebe na! bangon na, tapos naidlip na naman.
9:30, biglang bumangon si lei at sinabing ang huling bumangon ang magliligpit ng pinaghigaan, sabi ko 5 minutes pa.
10:00, nasa tricycle na kami, bitbit ang buko pie at espasol na binili ko sa los baños kahapon.

namalengke, na-traffic, pinawisan, natapilok...

habang nasa traffic, nakakita kami ng mamang nakamotor kaya tuloy-tuloy lang ang andar nya. sabi ni lei, "kung may motor tayo.... ang itim na natin ngayon."

11:00, sa wakas! nasa kawit na kami.

pagdating namin ni lei, tinanong niya kung anong ulam. sabi ng nanay nya, "pansit!"

hala! kailangan na pala magluto. si lei ang pinaggayat ko ng gulay habang nilinis ko ang atay at balunan.

habang naghahanda kami, tinanong ni lei sa nanay nya kung nakalabas na ba christmas tree nya.
nanay: oo, nilabas ko na tapos sinabitan ko lang ng sinabitan.
lei: sayang! gusto sana naming ayusin kasi di pa nakapag-christmas tree si gail.
nanay: ah... sige, ayusin nyo na lang ulit at di ko din naman naayos pa yung decoration.

naks... lakas ko no? kaya naman pagkakain ng tanghalian, pinagplanuhan na namin ni lei kung saan ilalagay ang christmas tree. nang medyo bumaba na ang kinain namin, nagsimula kaming magtulak ng mga cabinet at mag-urong ng mga picture frame.

siguro mga dalawang oras na din kami naglagay ng mga christmas balls at lights. mahirap pala yun! korni kapag masyadong pantay ang lagay mo ng christmas balls pero magulo namang tingnan kapag basta-basta mo lang nilagay. kumbaga aayusin mo para magmukhang magulo na maayos.
magulo ba?

Nung natapos na namin ang christmas tree, inayos naman namin yung iba pang decorations ng nanay nya.

pagdating ng mga alas-singko, paskong-pasko na sa bahay nina nanay!

Nakakaaliw kasi after 23 years, nakapag-ayos na ako ng christmas tree. Di ko alam na may mas nakakaaliw pa palang mangyayari.

Habang nagpapahinga kami, lumabas ulit si nanay. Sabi nya, "kung wala kayong christmas tree eh kung gusto n'yo hiramin n'yo na lang yung isang nandyan."

Abot hanggang tenga ang ngiti ko habang nakatungo at nagpupulot ng kalat.

humirit naman si lei, "gusto mo yun diba!?"

pahiyang-pahiya akong tumango.

pagdating ng alas-sais, sumakay na kami ng baby bus, bitbit ang aking first christmas tree.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home