umagang kayganda
Alam n’yo kung anong nagpapasarap ng umaga? ‘Yung magigising na ang diwa mo pero di mo muna ididilat ang iyong mga mata. Kakapain mo ang taong nasa tabi mo tapos yayakapin mo siya na parang unan. Ilalagay mo ang iyong braso sa kanyang baywang. Ibabaon mo ang mukha mo sa pagitan ng leeg niya tapos aamuyin mo siya na parang isang sanggol. Bibigyan mo siya ng maliliit na halik hanggang sa magtagpo ang inyong mga labi. Tapos saka mo ididilat ang mata mo at ang una mong makikita ay ang mukha niyang nakangiti. Tapos bubulungan mo siya ng, “Kape, mahal?” Tatango siya, nakangiti pa rin at pagkatapos ay hihilahin ka niyang muli at saka bubulong ng, “hug…” at kahit na tanghali na, alam mong hinding-hindi mo maaaring tanggihan ang pakiusap na iyon. Aamuyin at hahalikan mo ang kanyang ulo habang nakabaon ang kanyang mukha sa iyong dibdib. Hahaplusin ang kanyang likod, at ibubulong mo sa kanya kung gaano mo siya kamahal, paulit-ulit, hanggang sa dumilat na din siya. Magtatagpo ang inyong mga mata at sabay ninyong mararamdaman ang labis na pagmamahal na bumabalot sa inyong dalawa. At saka mo maiisip na isa ito sa mga dahilan ng iyong pagtulog at paggising, isa ito sa dahilan kung bakit napakasarap mabuhay.








0 Comments:
Post a Comment
<< Home