Wednesday, February 09, 2005

inuman na

Hindi lumilipas ang isang araw na hindi ko sila naaalala. Corny ba? Pero karamihan sa mga corny na bagay ay totoo. Karamihan din sa kanila ay masarap sa pakiramdam pero pinipigilan nating magpa-indulge sa ganoong mga bagay kaya sinasabi nating corny.

Pero yun nga. Kahit gaano man ka-corny, kailangang tanggapin. Hindi lumilipas ang isang araw na hindi ko sila naaalala.

Katulad na lang kaninang umaga, nasa jeep lang kami nung isang kaibigan ko tapos bigla akong napangiti. Sabi ko, “Merong isang beses dati, nakasakay na kami sa jeep tapos bigla siyang napasigaw at sinabing, ‘putang ina! May dala nga pala akong kotse’ sabay baba at takbo pabalik sa parking lot ng school namin.” Ibang klase. Sa mga ganoong kaliit na bagay umiikot ang mundo ko. Sa mga maliliit na ala-ala na hinding-hindi ko gugustuhing makalimutan.

Syempre hindi ko makakalimutan ang paghiga namin sa garahe. Kahit na gaano kadumi yung garahe, higa pa din kami. Kasi naman sa ganoong posisyon mo mapagmamasdan ng husto ang mga bituin at ang buwan. Sa bahay na iyon na loony bin ang tawag namin, natural lang na mahilig kami sa buwan. A bunch of lunatics! Buong-buo ang gabi ko sa mga pagkakataong ganun. Tapos maririnig mo pa ang pagtipa sa gitara at ang mga sintunadong pagkanta. Wag ka, di pa nakakainom yan sa lagay na yan. Lango lang sa buhay, sa pagod, sa kawalan. Sa mga panahong sumisigaw ang lahat na gusto kong maramdam ang buhay, kami’y nakahiga sa garahe na parang patay pero damang-dama namin ang buhay na umaagos at umaapaw sa bawat isa… dahil sa isa’t isa.

At mahilig din kaming mag-house party. Tumawa hanggang sa literal na kaming gumugulong sa sahig. Tumawa hanggang sa tumutulo na ang luha. Gustong-gusto din naming ang pag-iinuman. Ito ang mga gabing parang hindi natatapos at sana nga’y totoong hindi natatapos. Pero sumisilip ang araw. Nagpapahiwatig na kailangan na namang humarap sa bagong araw. You need to move out of your comfort zones. Sabi nila. Sabi nila. Andami-daming sinasabi ng mga taong yan nang hindi muna iniintindi kung bakit ganito o kung bakit ganyan. Makapagsalita na lang. Pero yun na nga. Tanggapin na natin ang buhay. Hindi tayo habang buhay na mangungunyapit sa braso ng bawat isa. Kailangang harapin ang buhay ng mag-isa ka dahil sa huli, kahit gaano kasakit, mag-isa ka pa rin. Nabubuhay para sa sarili at hindi para sa ibang tao. Survival of the fittest nga daw eh. Ang masasabi ko lang, putang ina n’yo.

Hindi ako galit sa buhay. Far from it, pare. Gustong-gusto ko nga ang buhay ko eh. Pero sa tuwing naaalala ko sila, parang ang sarap na dun na lang. Sa ganoong buhay. Ayoko ng ala-ala lang. gusto ko buhay, nalalasap, nararamdaman. Pero wala na iyon eh. Natangay na ng kahapon. Inalon ng dagat. Dinala ng hangin. Pero nakakapagtaka, damang-dama ko pa din sa buong pagkatao ko.

Kasi naman kahit ngayon, pakiramdam ko itong mga taong ito ang dahilan ng pagkabuo ng pagkatao ko. Kung sino man ako ngayon, merong isang maliit na parte nila. Sa bawat lingon ko, imposibleng meron akong makikita na walang katulad ng kwento sa kanila. Ganun talaga eh. Napaka-common lang naman nung nangyari sa amin. Nangyayari kahit kanino, kahit saan, kahit kelan. Pero iba ang pakiramdam kapag ikaw na mismo ang nakakaramdam. Parang pwede ka nang mamatay. Parang lang naman eh. Then you’d realize na mas masarap mabuhay. Bakit? Dahil meron ako ng mga taong ganito sa buhay ko. Mga tao na nagbibigay ng dahilan para sa umaga at sa gabi, para sa pag-inom at pagsuka at pag-inom uli. Dahilan para walang katakutan.

Kung sino man ako ngayon, dahil sa kanila yun.

Grabe. Sobrang naalala ko sila ngayon na nakapagsulat ako ng ganito.

Miss ko na sila? Oo naman. Tinatanong pa ba yan? .sparks08/20/04.



my soulmates, kc and rona

0 Comments:

Post a Comment

<< Home